简
KO 韩语
EN 英语
CN 中文
JP 日语
PH 菲律宾语族
HI 印地语
BN 孟加拉语
TA 泰米尔语
TE 泰卢固语
ML 马拉雅拉姆语
FA 波斯语
MY 缅甸语
NE 尼泊尔语
MR 马拉地语
KN 卡纳达语
HA 豪萨语
YO 约鲁巴语
SW 斯瓦希里语
IG 伊博语
ID 印度尼西亚语
PT 葡萄牙语
VI 越南语
AR 阿拉伯语
RU 俄语
UK 乌克兰语
RO 罗马尼亚语
IT 意大利语
FI 芬兰语
TO 汤加语
HR 克罗地亚语
SR 塞尔维亚语
TR 土耳其语
HU 匈牙利语
PL 波兰语
SK 斯洛伐克语
LA 拉丁语
NL 荷兰语
CS 捷克语
FR 法语
ES 西班牙语
DE 德语
OT 其他语言
读经确认
你完成了这一天的麦琴读经吗?
点击确认后,会在我的页面麦琴进度表中记录为已完成。
열왕기상 2
David's Last Charge to Solomon
1Sa pagdating ng araw ng malapit nang mamatay si David, inutusan niya si Solomon na kaniyang anak, sinabi niya,
2“Papunta na ako sa lupa. Kaya maging malakas ka at ipakita mong lalaki ka.
3Sundin mo ang mga utos ni Yahweh na iyong Diyos na lumakad sa kaniyang mga pamamaraan, na sumunod sa kaniyang mga alituntunin, kautusan, desisyon, at mga kautusan sa tipan, maging maingat na gawin kung ano ang nakasulat sa batas ni Moises, sa gayon magtatagumpay ka sa lahat ng gagawin mo, saan ka man pumunta,
4upang tuparin ni Yahweh ang kaniyang salita na sinabi niya tungkol sa akin, na sinasabi niyang, 'Kung maingat na binabantayan ng mga anak mong lalaki ang kanilang pag-uugali, na lalakad nang matapat sa harapan ko nang kanilang buong puso at kaluluwa, hindi titigil kailanman na magkaroon ka ng isang lalaki sa trono ng Israel.'
5Alam mo rin kung ano ang ginawa sa akin ni Joab na anak ni Zeruias, at kung ano ang ginawa niya sa dalawang kumander ng mga hukbo ng Israel, kay Abner na anak ni Ner, at kay Amasa na anak ni Jeter, na pinatay niya. Pinadanak niya ang dugo ng digmaan sa panahon ng kapayapaan at inilagay ang dugo ng digmaan sa sinturon sa palibot ng kaniyang baywang at sa mga sapatos niya sa kaniyang mga paa.
6Pakitunguhan mo si Joab gamit ang karunungan na natutunan mo, pero huwag mong hayaang ang kaniyang kulay abong ulo ay mapunta sa libingan nang may kapayapaan.
7Subalit, magpakita ka ng kabaitan sa mga anak na lalaki ni Barsilai na taga-Galaad, at hayaan mo silang makasama sa mga kumakain sa iyong mesa, dahil pumunta sila sa akin noong tumakas ako sa kapatid mong si Absalom.
8Tingnan mo, kasama mo si Semei na anak ni Gera, ang Benjaminita ng Bahurim, na sinumpa ako ng isang napakasamang sumpa noong araw na pumunta ako sa Mahanaim. Bumaba si Semei para salubungin ako sa Jordan, at sumumpa ako sa kaniya kay Yahweh, sinasabi ko, 'Hindi kita papatayin gamit ang espada.'
9Kaya ngayon, huwag mo siyang hayaang makawala mula sa kaparusahan. Isa kang matalinong tao, at malalaman mo kung ano ang dapat mong gawin sa kaniya. Dadalhin mo ang kaniyang kulay abong ulo sa libingan nang may dugo.”
10Pagkatapos, nahimlay na si David kasama ang kaniyang mga ninuno at inilibing sa lungsod ni David.
11Ang mga araw na naghari si David sa Israel ay apatnapung taon. Naghari siya sa Hebron ng pitong taon at sa Jerusalem ng tatlumpu't tatlong taon.
12Pagkatapos naupo si Solomon sa trono ng kaniyang ama na si David, at ang kaniyang pamumuno ay naging matatag.
Adonijah Seeks Abishag and Is Put to Death
13Pagkatapos, pumunta si Adonias na anak ni Haguit kay Batsheba na ina ni Solomon. Sinabi niya, “Pumunta ka ba dito nang may kapayapaan?” Sinagot niya, “Mapayapa.”
14Pagkatapos ay sinabi niya, “Mayroon akong nais sabihin sa iyo.” Kaya sumagot siya, “Magsalita ka.”
15Sinabi ni Adonias, “Alam mo na ang kaharian ay sa akin, at inasahan akong maging hari ng buong Israel. Gayunpaman, bumaliktad ang naganap sa kaharian at napunta sa aking kapatid, dahil ito ay sa kaniya mula kay Yahweh.
16Ngayon mayroon akong isang kahilingan sa iyo. Huwag mo akong tanggihan.” Sinabi sa kaniya ni Batsheba, “Magsalita ka.”
17Sinabi niya, “Pakiusap, kausapin mo si Solomon na hari, dahil hindi ka niya tatanggihan, para ibigay niya sa akin si Abisag na taga-Sunem bilang aking asawa.”
18Sinabi ni Batsheba, “Kung ganoon, kakausapin ko ang hari.”
19Kaya pumunta si Batsheba kay Haring Solomon para kausapin siya para kay Adonias. Tumayo ang hari para salubungin siya at yumuko siya sa kaniya. Pagkatapos ay naupo siya sa kaniyang trono at nagpakuha ng trono para sa ina ng hari. Naupo siya sa bandang kanang kamay niya.
20Pagkatapos, sinabi niya, “Gusto kong humiling ng isang maliit na kahilingan sa iyo; huwag mo akong tanggihan.” Sinagot siya ng hari, “Humiling ka, aking ina, dahil hindi kita tatanggihan.”
21Sinabi niya, “Ibigay mo si Abisag na taga-Sunem kay Adonias na iyong kapatid bilang kaniyang asawa.”
22Sumagot si Haring Solomon at sinabi sa kaniyang ina, “Bakit mo hinihingi si Abisag na taga-Sunem para kay Adonias? Bakit hindi mo rin hingin ang kaharian para sa kaniya, dahil siya ang aking nakatatandang kapatid—para sa kaniya, para kay Abiatar na pari, at para kay Joab na anak ni Zeruias?”
23Pagkatapos ay sumumpa si Haring Solomon kay Yahweh, sinasabi niya, “Nawa'y gawin sa akin ng Diyos, at mas higit pa, kung hindi ito sinabi ni Adonias laban sa kaniyang sariling buhay.
24Kaya ngayon sa kay Yahweh na buhay, na nagtatag at naglagay sa akin sa trono ni David na aking ama, at ang gumawa ng sambahayan sa akin tulad ng ipinangako niya, tiyak na papatayin si Adonias ngayon.”
25Kaya pinadala ni Haring Solomon si Benaias na anak ni Joiada at nahanap ni Benaias si Adonias at pinatay siya.
Abiathar Banished and Joab Executed
26At kay Abiatar na pari, sinabi ng hari, “Pumunta ka sa Anatot, sa sarili mong bukirin. Dapat kang patayin, pero hindi kita papatayin sa oras na ito, dahil binuhat mo ang kaban ng tipan ng Panginoong si Yahweh sa harap ni David na aking ama at kasama kang naghirap sa bawat paghihirap ng aking ama.”
27Kaya inalis ni Solomon si Abiatar mula sa pagiging pari ni Yahweh, para matupad niya ang salita ni Yahweh, na sinabi niya tungkol sa sambahayan ni Eli sa Silo.
28Dumating ang balita kay Joab, dahil sinuportahan ni Joab si Adonias, pero hindi niya sinuportahan si Absalom. Kaya pumunta si Joab sa tolda ni Yahweh at kinuha ang mga sungay sa altar.
29Sinabi kay Haring Solomon na si Joab ay tumakas papunta sa tolda ni Yahweh at ngayo'y nasa tabi ng altar. Kaya sinugo ni Solomon si Benaias na anak ni Joiada, sinasabi niya, “Humayo ka, patayin mo siya.”
30Kaya pumunta si Benaias sa tolda ni Yahweh at sinabi sa kaniya, “Ang sabi ng hari, 'Lumabas ka.'” Sumagot si Joab, “Hindi, mamamatay ako dito.” Kaya bumalik si Benaias sa hari, sinasabi niya, “Sinabi ni Joab na gusto niyang mamatay sa altar.”
31Sinabi sa kaniya ng hari, “Gawin mo kung ano ang sinabi niya. Patayin mo siya at ilibing, para maalis mo mula sa akin at sa sambahayan ng aking ama ang dugo na pinadanak ni Joab nang walang dahilan.
32Nawa'y ibalik ni Yahweh ang dugo sa kaniyang sarili, dahil nilusob niya ang dalawang lalaking mas matuwid at mas mabuti kaysa sa kaniya at pinatay sila gamit ang espada, sila Abner na anak ni Ner, ang kapitan ng hukbo ng Israel, at Amasa na anak ni Jeter, ang kapitan ng hukbo ng Juda, nang hindi nalalaman ng aking amang si David.
33Kaya nawa ang dugo nila ay bumalik sa ulo ni Joab at sa ulo ng kaniyang mga kaapu-apuhan magpakailanman. Pero kay David at sa kaniyang mga kaapu-apuhan, at kaniyang sambahayan, at sa kaniyang trono, nawa'y magkaroon ng kapayapaan mula kay Yahweh magpakailanman.”
34Pagkatapos, umalis si Benaias na anak ni Joiada at sinalakay si Joab at pinatay siya. Inilibing siya sa kaniyang sariling bahay sa ilang.
35Nilagay ng hari si Benaias na anak ni Joiada sa hukbo kapalit niya, at nilagay niya si Sadoc na pari kapalit ni Abiatar.
The End of Shimei Who Broke His Oath
36Pagkatapos ay pinadala at pinatawag niya si Semei, at sinabi sa kaniya, “Magtayo ka ng bahay sa Jerusalem at manirahan doon, at huwag kang lalabas mula doon papunta kahit saang lugar.
37Dahil sa araw na umalis ka, at dumaan sa Lambak ng Kidron, dapat mong malaman na tiyak kang mamamatay. Ang dugo ay mapupunta sa iyong sarili.”
38Kaya sinabi ni Semei sa hari, “Ang sinasabi mo ay mabuti. Tulad ng sinabi ng aking panginoon na hari, gagawin ng iyong lingkod.” Kaya nanirahan si Semei sa Jerusalem nang maraming araw.
39Pero sa pagtatapos ng tatlong taon, dalawa sa mga lingkod ni Semei ay tumakas papunta kay Achish na anak ni Maaca na hari ng Gat. Kaya sinabi nila kay Semei, “Tingnan mo, ang mga lingkod mo ay nasa Gat.”
40At tumayo si Semei, inihanda niya ang kaniyang asno, at pumunta kay Achish sa Gat para hanapin ang kaniyang mga lingkod. Umalis siya at kinuha ang kaniyang mga lingkod mula sa Gat.
41Nang sinabihan si Solomon na umalis si Semei mula sa Jerusalem papuntang Gat at bumalik,
42nagsugo ang hari at pinatawag si Semei at sinabi sa kaniyang, “Hindi ba kita pinanumpa kay Yahweh, at nagpatotoo sa iyo, sinasabi ko, 'Dapat mong malaman na sa araw na aalis ka at pupunta sa ibang lugar, tiyak na mamamatay ka?' Pagkatapos ay sinabi mo sa akin, 'Ang sinabi mo ay mabuti.'
43Kaya bakit hindi mo iningatan ang iyong panunumpa kay Yahweh, at ang utos na binigay ko sa iyo?”
44Sinabi rin ng hari kay Semei, “Alam mo sa iyong puso ang lahat ng kasamaan na ginawa mo sa aking ama na si David. Kaya ibabalik ni Yahweh ang kasamaan mo sa iyong sarili.
45Pero pagpapalain si Haring Solomon, at matatatag ang trono ni David sa harap ni Yahweh magpakailanman.”
46Kaya inutusan ng hari si Benaias na anak ni Joiada na umalis at patayin si Semei. Kaya ang pamumuno ay matibay na naitatag sa kamay ni Solomon.
갈라디아서 6
Bear One Another's Burdens and Do Good
1Mga kapatid, kung ang isang tao ay nahuli sa ilang pagkakasala, kayo na espiritwal ang dapat magpanumbalik sa taong iyon sa espiritu ng kahinahunan. Bantayan ninyo ang inyong sarili, upang hindi kayo matukso.
2Buhatin ninyo ang pasanin ng bawat isa, at nang sa gayon ay matupad ninyo ang kautusan ni Cristo.
3Sapagkat kung sinuman ang nag-iisip na siya ay mahalaga gayong wala siyang halaga, nililinlang niya ang kaniyang sarili.
4Dapat suriin ng bawat isa ang kaniyang sariling gawa. At sa ganun mayroon na siyang maipagmayabang sa kaniyang sarili, na hindi kailangang ihambing pa ang kaniyang sarili sa iba.
5Sapagkat bubuhatin ng bawat isa ang kaniyang sariling pasanin.
6Ang taong tinuruan ng salita ay dapat ibahagi ang lahat na mabuting bagay sa guro.
7Huwag magpalinlang. Hindi madadaya ang Diyos. Anuman ang itinanim ng tao, iyon din ang kaniyang aanihin.
8Sapagkat siya na nagtanim ng butil sa kaniyang likas na kasamaan ay aani din ng kapahamakan, ngunit siya na nagtanim ng butil ng Espiritu, ay aani ng buhay na walang hanggan na galing sa Espiritu.
9Hindi tayo dapat mapagod sa paggawa ng mabuti, dahil sa takdang panahon magkakaroon tayo ng ani kung hindi tayo susuko.
10Kaya nga, kung magroon tayong pagkakataon, gumawa tayo ng mabuti sa bawat isa. Magsigawa tayo ng mabuti lalo na sa mga nasa sambahayan ng pananampalataya.
Boasting Only in the Cross of Christ
11Tingnan ninyo kung gaano kalalaking mga titik ang isinulat ko sa inyo sa aking sariling sulat-kamay.
12Silang naghahangad na makapagbigay kaluguran sa laman ang pumipilit sa inyo na magpatuli. Ginagawa lang nila ito upang hindi sila usigin tungkol sa krus ni Cristo.
13Sapagkat maging ang mga tuli ay hindi sinusunod ang kautusan. Sa halip, nais nila kayong matuli upang maipagmalaki nila ang patungkol sa inyong laman.
14Hindi sana mangyari na ako ay magmalaki maliban lang sa krus ng ating Panginoong Jesu- Cristo. Sa pamamagitan niya ang sanlibutan ay napako sa krus sa akin at ako ay sa sanlibutan.
15Sapagkat hindi mahalaga ang pagtutuli o hindi pagtutuli. Sa halip, ang bagong nilalang ang mahalaga.
16Sa lahat ng mga nabubuhay sa ganitong patakaran, sumakanila nawa ang biyaya at awa, at ganun din sa Israel ng Diyos.
17Mula ngayon wala ng manggugulo sa akin, sapagkat dala-dala ko ang mga marka ni Cristo sa aking katawan.
18Nawa ang biyaya ng ating Panginoong Jesu-Cristo ay sumainyo, mga kapatid. Amen.
에스겔 33
The Duty and Calling of the Watchman
1dumating ang salita ni Yahweh sa akin at sinabi,
2“Anak ng tao, ipahayag mo ito sa iyong mga tao; sabihin mo sa kanila, 'Kapag magdadala ako ng isang espada laban sa anumang lupain, at ang mga tao sa lupaing iyon ay kukuha ng isang lalaki mula sa kanila at gagawin siyang isang tagapagbantay para sa kanila.
3Titingnan niya kung may paparating na espada sa lupain, at hihipan niya ang kaniyang trumpeta upang bigyan ng babala ang mga tao!
4Kung marinig ito ng mga tao at hindi nila binigyang pansin, at kung dumating ang espada at pinatay silang lahat, at ang dugo ng bawat isa ay nasa sarili na nitong ulo.
5Kung sinumang makarinig sa tunog ng trumpeta ngunit hindi niya binigyang pansin, ang kaniyang dugo ay nasa sa kaniya; ngunit kung binigyan niya ng pansin, maililigtas niya ang sariling buhay.
6Gayunman, kung makita ng tagapagbantay na paparating ang espada, ngunit hindi niya hinipan ang trumpeta, ang kahihinatnan nito ay hindi nabigyang babala ang mga tao, at kung dumating ang espada at kukunin ang buhay ng sinuman, kung gayon, namatay ang taong iyon sa kaniyang sariling kasalanan, ngunit hahanapin ko ang kaniyang dugo mula sa tagapagbantay.'
7Ngayon ikaw mismo, anak ng tao! Ginawa kitang isang tagapagbantay sa buong sambahayan ng Israel; mapapakinggan mo ang mga salita mula sa aking bibig at balaan mo sila sa halip na ako.
8Kung sasabihin ko sa isang masamang tao, 'Masamang tao, ikaw ay tiyak na mamamatay!' ngunit kung hindi mo ito ipinahayag para bigyang babala ang masama tungkol sa kaniyang pamamaraan at siyang masama ay mamamatay sa kaniyang kasalanan, ngunit hahanapin ko ang kaniyang dugo mula sa iyong kamay!
9Ngunit ikaw, kung binalaan mo ang masama tungkol sa kaniyang pamamaraan, para sa ganoon ay matalikuran niya ito, at kung hindi niya tatalikuran ang kaniyang pamamaraan, mamamatay siya sa kaniyang kasalanan, ngunit maliligtas mo ang iyong sariling buhay.
The Justice That Judges Each According to His Ways
10Kaya ikaw, anak ng tao, sabihin mo sa sambahayan ng Israel, 'Sinasabi ninyo ito: Ang aming pagsuway at ang aming mga kasalanan ay nasa amin, at nabubulok kami dahil dito! Paano kami mabubuhay?'
11Sabihin mo sa kanila, 'Buhay ako—ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh—. Hindi ko ikinagagalak ang kamatayan ng masama, sapagkat kung pagsisisihan ng masama ang kaniyang pamamaraan, kung gayon mabubuhay siya! Magsisi kayo! Magsisi kayo mula sa mga masasama ninyong pamamaraan! Sapagkat bakit ninyo kailangang mamatay, sambahayan ng Israel?'
12At ikaw, anak ng tao, sabihin mo sa iyong mga tao, 'Ang pagkamatuwid ng isang matuwid na tao ay hindi makapagliligtas sa kaniya kung magkakasala siya! At ang kasamaan ng masamang tao ay hindi magdudulot sa kaniya ng kamatayan kung pagsisisihan niya ang kaniyang kasalanan. Sapagkat ang taong matuwid ay hindi mabubuhay dahil sa kaniyang pagkamatuwid kung siya ay magkakasala.
13Kung sasabihin ko sa matuwid na “Tiyak na mabubuhay siya!” at kung magtitiwala siya sa sarili niyang pagkamatuwid at pagkatapos makagawa siya ng hindi makatarungan, hindi ko na iisipin pa ang anumang kaniyang pagkamatuwid, mamamatay siya sa kasamaan na kaniyang nagawa.
14At kung sasabihin ko sa masama, “siguradong mamamatay ka!” ngunit kung pagsisisihan niya ang kaniyang mga kasalanan at gagawin kung ano ang makatarungan at tama—
15kung isasauli niya ang garantiya ng sangla na sapilitang hiningi niya, o kung isasauli niya kung ano ang kaniyang ninakaw, at lalakad sa mga alituntunin ng batas na nagbibigay buhay at hindi na kailanman gagawa ng anumang kasalanan, tiyak na mabubuhay siya at hindi mamamatay.
16Wala na sa kaniyang mga nagawang kasalanan ang aking iisipin para sa kaniya. Kumilos siya ng makatarungan at makatuwiran, kaya siguradong mabubuhay siya!
17Ngunit sinasabi ng iyong mga tao, “Hindi patas ang kaparaanan ng Panginoon!” ngunit ang inyong mga kaparaanan ang hindi patas!
18Kapag tinalikuran ng isang matuwid na tao ang kaniyang pagkamatuwid at gagawa ng kasalanan, kung gayon mamamatay siya dahil dito!
19At kapag ang masama ay tumalikod sa kaniyang mga kasamaan at gawin ang makatarungan at matuwid, mabubuhay siya dahil sa mga bagay na iyon!
20Ngunit sinasabi ninyong mga tao, “Hindi patas ang kaparaanan ni Yahweh” Hahatulan ko ang bawat isa sa inyo ayon sa kaniyang kaparaanan, sambahayan ng Israel.
News of Jerusalem's Fall and the People's Hypocrisy
21Nangyari ito sa ikalabindalawang taon, sa ikalimang araw sa ikasampung buwan ng ating pagkabihag, isang pugante ang dumating sa akin mula sa Jerusalem at sinabi, “Nabihag na ang lungsod!”
22Nasa akin na ang kamay ni Yahweh sa gabi bago dumating ang pugante, at nabuksan ang aking bibig sa pagkakataon na dumating siya sa akin ng madaling araw. Kaya nabuksan ang aking bibig at nakakapagsalita na ako/hindi na ako pipi!
23At dumating ang salita ni Yahweh sa akin at sinabi,
24“Anak ng tao, nagsasalita at nagsasabi ang mga naninirahan sa lugar ng pagkawasak sa lupain ng Israel ay nagsasalita at sinasabi, 'Nag-iisang tao lamang si Abraham, at minana niya ang lupain, ngunit marami tayo! Ang lupain ay ibinigay na sa atin bilang isang ari-arian.'
25Kaya nga sabihin mo sa kanila, 'Ito ang sinasabi ng Panginoong Yahweh: Kumain kayo ng dugo at ibinaling ninyo ang inyong mga mata sa inyong mga diyus-diyosan at ibinuhos ninyo ang dugo ng mga tao. Dapat ba ninyong ariin ang lupain?
26Nagtiwala kayo sa inyong mga espada at gumawa ng kasuklam-suklam na mga bagay. Dinudungisan ng bawat lalaki ang asawang babae ng kanilang kapwa. Dapat ba ninyong ariin ang lupain?'
27Maaari mong sabihin ito sa kanila, 'Ito ang sinasabi ng Panginoong Yahweh: Habang buhay ako, siguradong ang mga nasa wasak na lungsod ay babagsak sa pamamagitan ng espada at ibibigay ko ang mga nasa parang sa mga nilalang na nabubuhay bilang pagkain at sa mga nasa tanggulan at mga kuweba ay mamamatay sa mga salot.
28At gagawin kong isang malagim at isang katakot-takot ang lupain at matatapos ang pagmamataas nito, At magiging napabayaan ang mga kabundukan ng Israel, at walang sinuman ang dadaan sa mga ito.
29Kaya malalaman nila na ako si Yahweh, kapag gagawin kong isang malagim ang lupain at katakot-takot dahil sa lahat ng mga kasuklam-suklam na mga bagay na kanilang ginawa.
30At ikaw, anak ng tao—nagsasabi ang iyong mga tao ng mga bagay tungkol sa iyo sa tabi ng mga pader at sa mga tarangkahan ng mga tahanan, at nagsasabi ang isa—sa bawat lalaki sa kapatid niyang lalaki, 'Pumaroon tayo at makinig sa salita ng propeta na mula kay Yahweh!'
31Kaya pupunta ang aking mga tao sa iyo gaya ng madalas nilang ginagawa, at uupo sa iyong harapan at makikinig sa iyong mga salita, ngunit hindi nila ito susundin. Nasa kanilang mga bibig ang mga mabubuting salita ngunit sa kanilang mga puso, naghahangad sila ng hindi makatarungang pakinabang.
32Sapagkat ikaw ay parang isang kaibig-ibig na awitin sa kanila, isang magandang tunog na maayos na tinutugtog sa isang instrumentong may kuwerdas, kaya makikinig sila sa iyong mga salita ngunit wala sa kanila ang susunod nito.
33Kaya kapag mangyayari ang lahat ng ito—masdan! mangyayari ito! at malalaman nila na may isang propeta na kasama nila.”
시편 81, 82
A Voice Urging Obedience at the Feast
1Umawit nang malakas sa Diyos ng aming kalakasan; sumigaw nang may kagalakan para sa Diyos ni Jacob.
2Umawit at tumugtog ng tamburin, ng kaaya-ayang lira kasama ng alpa.
3Hipan ang sungay ng lalaking tupa sa araw ng bagong buwan, sa araw ng kabilugan ng buwan, kapag nagsimula ang araw ng aming kapistahan.
4Dahil ito ay isang batas para sa Israel, isang kautusan na ibinigay ng Diyos ni Jacob.
5Nagpalabas siya nito bilang isang patakaran kay Jose noong siya ay nagtungo sa lupain ng Ehipto, kung saan nakarinig ako ng wika na hindi ko naintindihan.
6“Inalis ko ang pasanin mula sa kaniyang balikat; ang kaniyang mga kamay ay nakalaya mula sa pagkakahawak ng basket.
7Sa iyong pagdadalamhati ikaw ay tumawag, at tinulungan kita; Tinugon kita mula sa isang madilim na ulap na may kasamang kulog. Sinubok kita sa mga tubig ng Meriba. Selah
8Makinig kayo, aking bayan, dahil babalaan ko kayo, Israel, kung makikinig lamang kayo sa akin!
9Walang dapat na maging dayuhang diyos sa inyo; hindi ninyo dapat sambahin ang anumang dayuhang diyos.
10Ako si Yahweh na inyong Diyos, na naglabas sa inyo mula sa lupa ng Ehipto. Ibuka ninyo nang malaki ang inyong bibig, at pupunuin ko ito.
11Pero hindi nakinig ang aking bayan sa aking mga salita; hindi ako sinunod ng Israel.
12Kaya hinayaan ko sila na sundin ang katigasan ng sarili nilang pamamaraan para maaari nilang gawin kung ano sa tingin nila ang tama.
13O, nawa makinig ang aking bayan sa akin; O, nawa lumakad sa aking mga landas ang aking bayan.
14Pagkatapos agad kong pasusukuin ang kanilang mga kaaway at ibabaling ko ang aking kamay laban sa mga nang-aapi sa kanila.
15Nawa ang mga napopoot kay Yahweh ay yumuko nang may takot sa harap niya! Nawa sila ay mapahiya magpakailanman.
16Pakakainin ko ang Israel ng pinakamainam na trigo; pasisiyahin ko kayo ng pulot na lumalabas mula sa bato.”
A Rebuke Against Unjust Judges
1Tumatayo ang Diyos sa banal na pagtitipon; sa kalagitnaan ng mga diyos, nagbibigay siya ng paghatol.
2Gaano katagal kang hahatol nang walang katarungan at magpapakita ng pagtatangi sa masasama? Selah
3Ipagtanggol mo ang mahihirap at mga ulila sa ama; panatilihin mo ang mga karapatan ng pinapahirapan at dukha.
4Sagipin mo ang mahihirap at nangangailangan; alisin mo sila sa kamay ng masasama.
5Hindi nila nalalaman ni nauunawaan; nagpapalabuy-laboy sila sa kadiliman; lahat ng mga pundasyon ng lupa ay gumuguho.
6Sinabi ko, “Kayo ay mga diyos, at lahat kayong mga anak ng Kataas-taasan.
7Gayumpaman mamamatay kayo tulad ng mga tao at babagsak tulad ng isa sa mga prinsipe.”
8Bumangon, O Diyos, hatulan mo ang daigdig, dahil mamanahin mo ang lahat ng mga bansa.